Monday, December 13, 2010

Blangko

Yan ang laman ng isip ko. Marahil nagtataka ka, paanong naging blangko ang laman ng isip ko, possible bang hindi magkaroon ng laman ang utak ng isang tao? Oo, bakit hindi? Kung ang lahat naman ng nilalaman nito ay walang saysay, walang ibig sabihin, at sa kasalukuyan ay walang halaga para sayo.

Hindi ko masabi, hindi ko rin alam kung kailan, saan at paano, pero naisuko ko na ang buong kaisipan ko, kalooban ko at ang pagasa na magiging maligaya pa ako. Tunay na maligaya. Ilang beses ko na nga bang tinangkang bawiin ang sarili ko? Hindi ko na mabilang, ang tangi lamang tumatatak sa isip ko ay ang bawat pagkatalong tinatamo ko sa bawat labang hinaharap ko, laban na alam kong umpisa pa lang ay alam ko ng napakalaki ng posibiladad ng aking pagkatalo.

Kaya ako ganito, hindi ko makuhang makapagpapasok ng tao sa buhay ko, pilit kong idinidistansya ang sarili ko o kung hindi man, ay itulak ang taong iyon palayo sa tuwing nararamdaman kong naaabot niya na ang kaibuturan ng damdamin ko. Sinasara ko na ang pinto ng aking kaluluwa bago pa man nila marating ang tarangkahan.
Ano pa ang saysay ng pagbabahagi ng sarili ko sa iba kung sarili ko mismo ay hindi ko maibahagi sa aking sarili? May isip akong minsan bukas, minsan sarado pero madalas lumulutang. May puso akong nakakaramdam ngunit hindi sapat upang suklian ang bawat pagibig na natatanggap.

Hindi ako karapat dapat, nalalaman ko iyon. Hindi ko dapat tinatali ang isang bagay na buong pusong binibigay saken kung wala naman akong balak suklian iyon. Alam kong dapat ko nang buksan ang aking mga kamay upang pakawalan ang mga bagay na mas higit na magpapaligaya sa iba, ngunit ang sakim kong sarili ang pilit na bumubulag sa akin, nagpapaniwala saken na ang mga bagay na itong tinatanggap ko, tinatamasa ko, ay ang tanging mga bagay na magpapaniwala sa akin na may puso pa rin akong nakakaramdam, na kailangang makaramdam dahil kung hindi, tuluyan na akong lalamunin at mababaon sa sarili kong kadiliman.

Marami akong naiisip, ngunit lahat ng ito ay walang saysay, walang ibig sabihin at sa kasalukuyan ay walang halaga para sa akin.

No comments: